Kwentong panandalian at pinipilit
- Quessa
- Nov 19, 2023
- 7 min read
Limang buwan...
Ang nakalipas bago ako nakabalik sa pahinang ito. Kumusta ang nagdaang mga araw, linggo at buwan? Nahanap mo ba ang kasiyahan kahit na napakaraming nangyayari sa paligid? Kung ano man ang iyong kasagutan sa aking katanungan, ito naman ang maisasagot ko, sana'y hindi maging panandalian at pilit ang mga bagay na nagpapasaya o magpapasaya sayo.
Siya nga pala muli akong nagbabalik dahil nais ko mailagay at maibahagi sa pahinang ito ang apat na kwento ng pag-ibig na aking nabuo noong Hulyo. Hindi ko alam kung bakit ito ang naisip kong tema ng kwentong naisulat ko pero may tumulak sa puso ko na pasukin ang mundo ng pagmamahalang panandalian at pinipilit bagaman ang katotohanan hindi ko pa naranasan ang ilang mga pangyayari sa kwentong ito. Kaya ang aking ginawa ay muli kong pinaghalo ang sariling karanasan at kwento ng iilang taong alam kong may kakaibang pinagdaanan pagdating sa pag-ibig.

Ang apat na maiikling kwentong ito ay pinamagatang Pan(m)alit . Mula sa salitang panalit ng Espanyol na nangangahulugang bubong, isang materyal upang mabigyang proteksyon ang isang tahanan na nabuo ng pagmamahalan. Ngunit kagaya ng bubong, mapoprotekhan kaya tayo ng pag-ibig kung ito ay (pana)ndalian at pinipi(lit).
Nawa'y magustuhan niyo ang mga kwento, muli ko ring hinihiling na sana'y buksan mo ang iyong imahinasyon habang ikaw ay nagbabasa upang lubos mong maunawaan ang mga paglalarawang ginamit ko sa pagkabuo ng kwento.
Tara at magbasa ng kwento-kwento lang!
PARA NAMAN SAYO
Sabi ko noon, kailanman ay hindi na ako papatol sa mga tanong at sabi-sabi, lalo na kung tungkol sa pag-ibig dahil kung sasabay naman, alam kong hindi magiging maganda ang salitang bibitawan…
Sa araw na ito, ngayon ko lamang muling nakita ang pangalan mong lumabas sa puting screen ng aking hawak na cellphone. Ito ulit ang unang beses matapos ang mga araw na walang pag-uusap. Oo nga't nagkakausap naman tayo sa tuwing nagkikita ngunit pagtapos ng usapan hindi na ito masusundan kung hindi muling magkita. Ganoon ang sitwasyon natin, sitwasyong pinili ko para sa ‘ting dalawa.
Sa pagkakataong ito hindi mensahe ang natanggap ko kundi isang tawag. Nagdadalawang-isip ako kung sasagutin ko ba, ngunit dahil sa kagustuhan kong malaman kung ano ang dahilan bakit ka napatawag, sinagot ko ito.
“Sabay ka na” mga salitang una kong narinig. Nagtataka ako bakit mo nalalaman na ako’y nag-aabang ng masasakyan at ‘yun naman pala nasa kabilang dako ka ng kalsada. At nung nakitakita sa bintana ng iyong sasakyan, hindi ko alam pero ang bilis kong sumagot nang sige.
Sa pagbukas ko ng pinto, nagulat ako may kasama ka pala. Aatras na sana ako pero para akong tanga kung gagawin ko iyon. Umupo na lamang ako at nagsimulang naghanap ng rason kung bakit nga ba ako pumayag na sumabay ngunit malayo-layo na rin ang itinakbo ng sasakyan hindi ko pa rin mahanap.
Naging tahimik sa una ang loob ng sasakyan, hanggang sa nagsimula kang magtanong kung ano ang bago sa buhay ko. Hindi naman maitatangging mababakas sa mukha ko ang pagod kaya naidugtong mong “mukhang pagod na pagod ahh”. Wala akong ibang maisagot kundi tungo, nahihiya kasi ako sa babaeng kasama mo.
Maya-maya pa biglang may isang tinig ng babae ang sumulpot sa ating pag-uusap. “Baka sa sobrang abala mo wala ka nang oras maghanap ng makakasama, kailan ba ang plano mo?”
Nakatatawa lamang isipin na naitanong ito ng babaeng kasama mo na may kakaibang tono na siyang pinagtatakahan ko.

Mukhang sa ilang beses na nagkasama tayong tatlo, palagi niya itong naitatanong. Wala naman akong ibang maisagot kundi wala akong balak o 'di kaya'y marami pa akong gusto maabot. Bigla akong napaisip, sa tuwing napag-uusapan at naitatanong niya ang ganitong usapin, ano kaya ang nararamdaman mo, nakadarama ka ba ng sakit? ng hiya? o 'di kaya'y natatawa ka dahil nagmukha akong tanga sa harapan ninyong dal'wa.
Sa totoo lang may mga pagkakataong ayaw kong sagutin ang ganyang tanong dahil kung sasagutin ko iyon ng tapat.
Ang totoo…
"Ang taong gusto ko sanang makasama ay nasa sa iyo na..."
---
LUMANG TUGTUGIN
"Gusto mo rin pala ang mga old songs?"
"Oo, ang gaganda ng kanta nila."
“Carpenters?”
“Idadag mo pa ang Abba!”
“ehh Kenny Rogers”
“Yun! Isama mo pa ang kanta ng The Beatles!”
Nagsimulang humaba ang ating usapan dahil sa simpleng tanong tungkol sa mga lumang awitin. Hanggang sa ito'y napalitan ng mga usaping seryoso at pagbabahagi ng sariling karanasan.
Nakapagtataka nga dahil madali akong nagtiwala sayo. Madali mong nakuha ang mga kiliti ko, tulad ng kung paano mo sinasabayan ang mga hirit kong parang ewan; kung paano mo rin ako sineseryoso kung ang usapin ay tungkol sa buhay. Humanga nga ako sa kung papaano mo tingnan ang mga pangyayari sa buhay. Kung paano mo nagagawang magaan ang isang sitwasyong mahirap. Kung gaano kataas ang pangarap mong maiahon ang sarili mo at maging pamilya mo.
At sa totoo lang, noong tinanong mo ako kung gusto kita, sasagutin ko sanang Oo pero nandoon pa rin ako sa 'kin ang pag-aalinlangan kaya't hindi kita nasagot. Ibinalin ko na lamang ang usapan sa ibang paksa. Bagama't hindi ka nakakuha ng sagot hindi tumigil ang ating usapan at pagiging malapit sa isa’t isa.
Ngunit gaya ng kwento ng nakararami, lahat ng ating usapan ay nauwi sa buwan na wala nang nangyaring kamustahan. Labis akong naguluhan at nagtaka ngunit wala akong karapatang magtanong o di kaya umusisa sa kung ano ang nangyari. Sino ba naman ako para magtanong tulad ng "Anong nangyari sa 'ting dalawa?"
Wala ata ako sa lugar kaya’t hindi ako nagtanong ngunit patuloy akong nagpapadala sayo ng mensahe kahit wala akong nakukuhang sagot.

At ngayon, isang tahimik na gabi, habang ako'y tumambay sa social media at nakikinig sa mga lumang awiting ating nakasanayang pakinggan, 'di ko akalaing ganoon ang aking makikita, ganoon ang matatanggap kong sagot…
Ang awit na una mo sa 'king ipinarinig ay nakalapat na sa larawan ng isang dalagang di ko kilala.
---
TAMA N(G)A
“Kita tayo at 3 pm.”
“Parang alanganin ako sa oras na ‘yan”
“Bakit alanganin?”
“Wala lang, tinatamad pa ako”
“Anong oras ba gusto mo?”
“4 pm, ayos na ba sayo”
“Sige, excited to see you!”
Pagdating ko sa nakasanayan naming kainang lugar siya’y nakaupo’t mukhang antok at pagod kahit wala namang ginawa sa buong maghapon. Mabilis akong lumapit sa kanya at tinapik ko ang kanyang balikat, noong nakita niya ako tumango na lamang siya at ngumiti.
“Upo ka na” sabi niya.
“Nag-order ka na ba?”
“Hindi pa pero nakapili na ako, pili ka na muna ng gusto mo”
“Palagi tayong kumakain dito ‘di mo pa naaalala palagi kinakain ko.”
Hindi siya umimik noong sinabi ko ito. Baka nga naman hindi niya naalala. Matapos ang ilang segundo, tinawag niya ang waiter at sinabi kung ano ang aming ipapalutong pagkain.
Pagkatapos naming kumain ay napag-usapan naming maglakad-lakad lang muna bago mamimili ng gusto naming bilhin. Papalabas ng kainan, nauna siyang naglakad, binuksan ang pinto at lumabas, muntik na akong maipit dahil hindi niya alam na nakasunod ako sa kanya. Parang wala lang nangyari, hindi niya iyon napansin, ngunit sa ‘kin balewala rin dahil makailang beses na rin iyon nangyari sa tagal naming pagsasama.
Habang naglalakad bigla akong nasagi ng isang nagmamadali binata, bigla siyang nagulat at sabay sabing tingnan ko raw ang dinaraanan ko. Hindi na ako sumagot sa sinabi niya dahil ‘di naman sinasadya ang nangyari. Kaya nagpatuloy kami sa paglalakad. Noong akma kong hahawakan ang kamay niya. Bigla niya itong ikinilos patungo sa kanyang suot na bag. Hindi ko na lamang din pinansin maaaring hindi niya rin napansin ang gagawin ko.

Nagsimula akong magkuwento habang sabay kaming naglalakad. Alam kong nakikinig siya dahil may mga pagkakataong sumasagot siya sa sinasabi ko. Maya-maya ay napansin kong hindi maayos ang aking sintas kaya tumigil ako sa paglalakad pero hindi sa pagkukuwento. Habang inaayos ko ang sintas, hindi ko namalayang wala na palang nakikinig sa ‘kin.
Walang ano-ano ay napatigil ako sa pagsasalita at minamasdan ko na lamang siya walang hinto sa paglalakad na para bang walang kasama.
"Tama nga sila, iba pala talaga kapag pareho niyong mahal ang isa’t isa" naibulong ko na lamang sa aking sarili habang iniisip kung tama pa bang sumunod sa kanya.
---
DALAWANG KAHON
Tatlong kahon na ang dala-dala kong paglalagyan ng mga bagay na kailangan kong dalhin at ligpitin.
Magulo-gulo na rin ang paligid dahil sa pagpili ko ng mga bagay na mahalaga at maaari kong magamit sa paglilipat.
“Kakailanganin mo pa ba itong…?”
“Ahh hindi, dalhin mo na lang kung alin yung gusto mo” sagot niya sa ‘kin kahit hindi pa ako tapos sa pagtatanong.
“Ikaw na lang magdala ng mga beddings ahh, hindi na kasi kasya sa lalagyan ko.”
“Sige” maiksing sagot niya sakin.
Nagpatuloy ako sa pag-aayos at paghahanap ng mga gamit na dapat kong dalhin. At habang ginagawa ko ito, napapatanong ako sa aking sarili, at siguro kung malakas lamang ang aking loob itatanong ko sanang “Bakit tayo umabot sa ganitong desisyon?” pero huwag na dahil alam kong ganito ang isasagot niya “Pinag-usapan na natin ito ‘di ba?” kaya tahimik na lamang akong nag-ayos ng gamit.
“Kaya pa ba?” bigla niyang tanong sa’kin.
“Kaya pa naman malapit na rin akong matapos”
“Sige maghahanda na rin ako, para makapag-ayos na rin ako ng gamit”
Wala na akong naisagot sa sinabi niya, bakas sa tono ng kanyang salita ang kasabikan sa paglipat rin ng kanyang sariling gamit. Dahil dito mas lalo ko na ring binilisan sa pag-aayos.
“Lahat naman ata na kailangan ko nakuha ko na” bulong ko sa’king sarili bago lumabas ng kwarto. Noon akmang na akong lalabas ng pinto isang bagay malapit sa kama ang nahagip ng aking mata, nag-aalinlangan akong dalhin ang larawan nating dalawa pero sa hindi malamang rason iyon ang pinakahuling bagay na inilagay ko sa aking kahon. At pagkatapos, paisa-isa ko nang hinila sa isang sulok ang mga kahon para madali itong makuha nang maghahakot.
Papalabas na ako ng pinto nang biglang tumigil ang isang pamilyar na sasakyan sa harapan ng bahay.
“O nasa tawag ka pa ahh, andito ka na agad” sambit ko sa kanya habang kinukuha ko ang cellphone at agad na pinatay ang usapan naming dalawa na tumagal halos 3 oras dahil sa pagtatanong ko sa mga bagay na dapat kong dalhin sa paglipat.
“Ahh pasensya ka na ‘di ko na pinatay yung tawag kahit nagmamaneho ako baka kasi may itanong ka pa” sagot niya muna sa’kin bago bumaba ng sasakyan.

Tumango na lamang ako habang nakatingin sa mga kahong dala niya.
“Sige ako naman ang mag-aayos” sambit niya sa’kin.
Sinimulan niyang ipasok ang mga kahon sa loob ng bahay habang ako’y nasa labas na. Sabay naming tinahak ang magkabilang direskyon kung saan kami ay malaya.
---
Sa totoo lang marami pang kwento ng pag-ibig na panandalian at pinipilit, pero isang lang ang sigurado kong kwento na nararapat sa bawat isa, ang makaranas ng pagmamahal na walang pag-aalinlangan, tulad ng pagmamahal na iginugol natin sa ating mga sarili.
—Sisaaaaaa
Commentaires