top of page
Search

Mga kwentong mas mahaba pa sa "convo" niyo ng crush mo

  • Writer: Quessa
    Quessa
  • Aug 31, 2024
  • 7 min read

Siyam na buwan...

Ang bilis ng panahon, parang kamakailan lamang ay nagsulat ako tungkol sa mga kwentong panandalian at pinipilit ngunit ang katotohanan napakahabang panahon iyon ng aking pagtigil sa pagsulat. Noong mga nakaraang buwan ay walang bumisitang mga salita sa aking isipan at walang larawan ng kwento na nabubuo sa aking imahinasyon, palibhasa abala ang aking isip sa trabaho. Sa totoo lang, may mga araw na gusto ko magsulat ngunit pinapangunahan ako ng pagod kaya't mas pinipili ng isip kong magpahinga,


Nasambit ko ang pahinga, kumusta ka? Nakapagpapahinga pa ba sa gitna ng napakaraming kaabalahan at ganap sa mundo mong ginagawalan. Sana naman ay huwag mong kalimutan ang magpahinga. Wala naman daw masamang magpahinga sapagkat kailangan ito ng ating katawan. At ito pa maaari ka raw maging produktibo kahit na may kasamang pagpapahinga, kaya ikaw, alam mo na magpahinga ka naman, pagbigyan mo ang iyong sarili.


Usapang pahinga. Baka pwede mong gawing pahinga ang pagbabasa nitong mga kwento-kwento lang. Yun nga lang may konti kirot pero huwag kang mag-alala hindi ito mahaba, kasing-ikli ito ng usapan niyo ng crush mo. Biro lamang.


Pero kung ika'y naghahanap ng kakampi sa pag-ibig, sana'y makahanap ka ng kakampi sa mga salitang mababasa mo. At hiling ko, matagpuan mo sana ang pahinga, sa sarili man o sa isang tao.


Ano pa ba, simulan natin ang mga kwento-kwento lang!



KWENTO-KWENTO LANG BLG. 2.1

Para sa mga ginusto pero hindi "pinursue"

Nagtatalakay ako sa unahan ng klase nang biglang tumunog ang cellphone kong nasa bulsa ng suot kong uniform. Hindi ko na lamang iyon pinansin pero sa pagkakaramdam ko dalawang beses na iyon tumunog.

Pinagpatuloy ko ang pagtalakay sa klase, syempre, dapat hindi pinaghahalo ang trabaho at ang personal na buhay. Baka kasi kapag binuksan ko ang cellphone ko ikasasakit lang ng damdamin ko ang mabasa ko at maapektuhan pa ang talakayan. Hindi pa doon natapos ang pagtunog ng cellphone ko, inuulan na ng message ang cellphone ko mula sa aking mga kaibigan, hindi ko alam kung para saan ang mga message nila...


"Pssst, okay ka lang?"


"Hoooy bruha! anong nangyari?"


"Uy, alam kong nakita mo na, ano kumusta pakiramdam?"


"Halaaaa siyaaaa, gago ba yun?"


"Whaaattt, nagkwento ka pa lang na nagkakausap pa kayo tapos ito"

"Masakit ba? tara gantihan natin"

Lahat 'yang message na iyan ang aking nabasa sa screen ng cellphone ko, alam ko na kung ano ang tinutukoy nila. Alam kong mangyayari ang araw na ito, magtatanong sila tungkol sa kanya. Hindi ko sa kanila maikuwento kasi ang hirap ipaliwanag, ang hirap iusal sa mga kaibigan ko, ang mga salitang binitawan niya sa harapan ko. Kaya nanatiling tikom na lamang ang bibig ko tungkol doon.


Ngayon nasa trabaho ako pero yung utak ko biglang tumakbo pabalik sa araw na sinabi niya sa aking "gusto kita pero nakita ko sa isang babae yung hinahanap ko." May mga karugtong pa iyon na mga salita pero hindi ko na pinakinggan pa. Ganoon pala yun wala ka pa lang maisagot sa ganoong pahayag. Matatahimik ka talaga.


Sa katahimikan, doon ko ulit ngayon natagpuan ang aking sarili. Tahimik na naman ako, wala na namang maisagot sa mga nangyayari. Kasi kahit hanggang ngayon hindi ko pa rin mahanap ang sagot sa malaking tanong na nasa isipan ko.


Napabuntong hininga na lamang ako habang nakaupo at hindi ko namalayan tina-type ko na pala sa group chat namin ang tanong na ilang araw nang nasa isipan ko


"Masakit dahil ako dapat yun, pero mas masakit kasi bakit nga ba hindi ako?" :(




KWENTO-KWENTO LANG BLG. 2.2

Para sa mga hindi umabot sa dulo

Sa tototo lang masaya naman talaga kapag may taong nagtatanong kung kumusta ang araw mo. Isipin mo sa nakapapagod na mundong ito, may isang tao na handang makinig kung gaano ka kapagod, kalungkot o kasaya sa mga nangyayari.


Naranasan ko kasi iyon, nasanay akong sa tuwing pag-uwi ko tutunog ang cellphone ko.


"Kumusta araw mo?"


Magsisimula akong makuwento, detalyado, habang siya matiyagang nakikinig at sa tuwing tapos na ako siya naman ang kukumustahin ko. Naging ganito ang nakagawian naming dalawa. Hindi man naging malinaw kung ano ang intensyon niya bakit ganito kami sa isa't isa pero para sa akin hindi ko kailangan magtanong dahil kung gusto ka ng isang tao , malinaw niyang ilalahad ang intensyon niya sayo. Lumipas nga mga buwan, naging kampante kami sa ganoong sitwasyon. Ngunit tama nga sila, kapag may tag-init, may tag-ulan. Kapag hindi malinaw, siguradong hindi magiging maayos. Dumating na lamang ang isang araw wala na akong nakuhang kumusta mula sa kanya.


Hindi na rin ako nagtanong dahil sabi nila kapag ang isang tao hindi ka na kinakausap ibig sabihin nito ayaw na sayo.


Hanggang isang araw...

***** replied to your story

"Merry Chirstmas, TOTGA"


Laking gulat ko matapos ang isang taong walang pag-uusap ganitong mensahe ang makukuha ko sa kanya. Hindi ko na sana sasagutin ngunit gusto kong malaman kung bakit "TOTGA" ang laman ng mensahe niya,


"TOTGA?" tanong ko sa kanya.


"The one that got away hahahaha"

"S'yempre malay mo naging tayo sana"

Nagulat ako sa sagot niya. Napaisip ako bakit nga ba may nakapagitang sana sa aming dalawa noon?


"Bakit kasi 'di ka natuloy?" lakas-loob kong sagot sa kanya.


"Ramdam ko kasi walang pag-asa at 'di mo ako gusto" sagot niya sa akin.


Napaisip ako, nasa akin nga ba nakabatay ang dapat na patunguhan kung ano ang mayroon kami noon. Sa pagkakaalam ko, dapat siya ang nagsabi ng malinaw niyang intensyon sa akin ngunit sa daming pagkakataon na naitanong ko iyon sa kanya palagi niyang sagot kaibigan tapos ngayon ganito ang ibabato niyang linya.


"Nagtanong ka ba?" muling tanong ko sa kanya.


"Bakit kung magtanong ba ako kung gusto mo ako, sasagot ka ng oo?"

"Gusto mo rin ba ako" dagdag na pa niya.


Siguro ko kung noon niya ito naitanong sasagot ako ng 'oo' pero ngayon hindi na mahalagang sagutin pa, iba na ang sitwasyon ngayon, nangyari na ang pang-iiwan.

Wala nga akong naisagot sa tanong niya, hinayaan ko na lamang na nakabukas ang mensahe niya dahil ang alam ko siya ang unang nawala, siya ang unang lumisan.

At akala ko ang paglisan mismo ay masakit na , mas may isasakit pa pala ito kung malaman mo kung bakit walang kalakip na pamamaalam. ~(>_<。)\





KWENTO-KWENTO LANG BLG. 2.3

Para sa mga biglang nahulog

"Patulong, pwede?"


Isang patanong na tono ang aking binitawan sa isang lalaking matangkad at may malusog na pangangatawan, bago ko sinubukang buhatin ang isang kartong punong-puno ng mga lumang edisyon ng pahayagan patungo sa loob ng aking silid. Madali naman siyang kausap, makikita naman sa kanyang maaliwalas na mukha ang kagustuhang tulungan ako.


Siya nga pala matagal ko nang kilala ang lalaki iyon. 'Di naman kami gaanong nag-uusap pero kita naman sa kanya ang kabaitan. At simula noong pagtulong niya sa akin naging madalas na rin ang mga pagkakataong kami ay magpansinan at mag-usap.


Sa tuwing nagkakaroon ng pagkakataong kami ay mag-usap hindi ko maiwasang matanong sa aking sarili kung bakit may mga bagay siyang nasasabing para bang pakiramdam ko dapat sa kanya na lamang iyon kasi hindi naman kami ganoon kalapit sa isa't isa. Ang dali para sa kanya na magkwento ng ilang mga personal na bagay tungkol sa buhay niya na para bang ang tagal-tagal na naming magkakilala. Napansin ko ring tuwing kaming dalawa lamang ang magkausap, nagiging tagapakinig ako, eh sanay akong palasalita at maingay. Ganoon pa man, masaya naman siya kausap dahil ang mga salitang ginagamit niya ay mukhang hindi angkop sa kung ano ang pisikal niyang itsura dahil matalino siyang tingnan.


Bukod pa riyan, makailang beses na siyang nagpakita rin ng kabutihang loob sa iba't ibang paraan. Basta may nagagawa siyang ilang bagay para sa akin. At alam kong titiklop ako kapag pinakitaan ako ng tinatawag nating "acts of service" kahit sa pinakasimpleng paraan pa 'yan.


Katulad na lamang nang minsang magkasabay kami sa daan, bigla niya lamang akong isinilong sa kanyang payong dahil sa napakainit at tirik ang araw, kahit na mapalalayo siya nang konti sa talagang daraanan niya. Sa pangyayaring iyon, habang nasa ilalim kami ng iisang payong, ang bilis-bilis ng tibok ng puso ko. Habang siya ay nagsasalita, ako naman itong tahimik, di makapagsalita dahil ang binibigyang pansin ko ang nangyayari sa loob ng aking puso. Ganoon pala ang pakiramdam nang maalok ng isang bagay na hindi mo naman hiningi, yung kusa lamang saiyo inialay.


Matapos ang pangyayaring iyon, ikuwinento ko ito sa aking kaibigan, masayang-masaya ako habang nagkukuwento dahil sabi ko sa kanya nakararamdam pa pala ako ng kilig. Natawa na rin siya sa kwento kong iyon.


"Malay mo siya na."

"Luhh, siya! Mabait lang yung tao" sagot ko sa kanya.


"Tandaan mo hindi lahat ng lalaki kayang gawin ang mga ginagawa niya sayo, sa iba"


"Ehh paano kung pinalaking gentleman lang talaga 'yun ng magulang niya?"


"Ito! Kaya hindi umuusad ang buhay pag-ibig mo kasi minsan ang manhid mo"


"Ay basta, hanggang hindi pa ako nahihiya sa tuwing kasama, kausap o makita siya , ibig sabihin no'n ay wala pa akong nararamdaman para sa kanya."


Nang minsan maabutan ako ng gabi sa trabaho, nagkaroon muli kami ng pagkakataong magkuwentuhan. Ang dami naming napag-usapan, siya ang may pinakamaraming nabubuksang kwento, nakikinig lamang ako at nakatitig lamang sa kanya. Masaya ang usapan, malaya sa kung ano mang mabigat na bagay.


Nakapagtataka habang nagsasalita siya, nang biglang magkatagpo ang aming mga mata bigla akong natulala. Ganoon pa man dinig ko pa ring nagsasalita siya. Ngunit ako, sa oras na iyon, sa 'di malamang dahilan di ko maipaliwanag kung ano ang aking nararamdaman. Bigla akong napaisip kung ano nga ba ang pustura ko sa oras na iyon.

Hindi ko na muli siyang matitigan pa sa mata, kahit na nagpatuloy ang pag-uusap namin. Sabay na kaming lumabas ng trabaho. Nauna na ako sa kanya sapagkat ako'y mag-aabang pa ng masasakyan samantalang siya nama'y may sariling sasakyan. "Okay ka na dyan?"


"Ahh oo, sige na ingat ka!" sagot ko sa kanya pero 'di ko pa rin siya matitigan nang direkta sa mata.


Pagkaalis niya, tahimik akong nag-antay ng masasakyan habang nag-iisip. Mahabang oras ang ginugol ko para malaman kung ano iyong naramdaman ko.


"Malalaman ko kung ano ito, kapag muli kaming nagkita bukas." bulong ko sa aking sarili.


Kinabukasan nang makita ko siyang masasalubong sa daan, lumiko ako bigla para hindi kami magpang-abot, biglang bumilis ang tibok ng puso ko. Ngayon alam ko na, nagsisimula na akong mahiya sa kanya. o(〃^▽^〃)o



---wakas---


Dito nagtatapos ang mga kwento-kwento lang. Sana'y nakapagpahinga ka habang nagbabasa. Ipagpaumanhin mo kung hindi gaanong madetalye ang mga pangyayari sa kwento-kwento lang. Ganoon talaga may mga bagay na mas mabuti na lamang hindi ikuwento. Hahayaan na lamang kitang mag-isip kung ano pa ang ilang pangyayari nang sa gayon ay makapaglikha ka rin ng mga larawan sa iyong imahinasyon.


Bago mo tapusin ang pagbabasa, tandaan mo, iisa lamang ang ating puso, huwag mo hayaang magmahal sa taong hindi naman mabuti ang naidudulot. Alagaan mo ito, papaghingahin mo dahil ang pusong nagpapahinga ay pusong hindi napapagod maghintay sa tamang pagmamahal.





—Sisaaaaaa








.





 
 
 

留言


Subscribe Form

Hanggang sa muli!

  • Facebook
  • Instagram
  • Youtube

©2021 by Mga agam-agam ni Sisa. Proudly created with Wix.com

bottom of page