top of page
Search

—byahe tayo.

  • Writer: Quessa
    Quessa
  • 6 days ago
  • 15 min read

Kumusta?


Nakapagpapahinga pa ba ang puso mula sa maingay, nakapapagod at mabilis na pangyayari sa mundo? Sana naman ay maayos ang kalagayan mo, malayo na sana ito sa lungkot, sakit at pangamba.


Kung ako naman ang tatanungin mo, heto ako muling dinalaw ng mga salita noong nakaraang Abril at alam mo ang nakatutuwa nangyari ito sa loob ng jeepney habang nakikinig sa musika. Namalayan ko na lang nagsisimula na akong magsulat ng kwento kaya kung mapapansin niyo, ang mga pamagat ng kwento-kwento lang ay may kaugnayan sa biyahe.


Nais kong ibahagi sayo ang kwento na aking nabuo habang patungo sa eskwelahan at kung saan pa man. Ito ay tatlong magkakaugnay na kwento na punto de bista ng tatlong karakter sa kwento. May mapulot ka sanang aral dito patungkol sa pagkakaibigan, pag-ibig at paglaya.



Maligayang pagbabasa sayo kaibigan, mahanap mo nawa ang kaunting pahinga sa mga kwento ko!





Unang byahe— 'PARA' sayo


"May bago akong suspect!"


"Anong suspect?"


Ang hirap naman nito ipaliwanag, sa kaibigan kong napakatalino, 'di yan biro. Matalino talaga siya pero naglo-loading talaga siya minsan.


"Ito ohh, parang hindi nag-Grade 2! Bagong suspect, bagong target, bagong crush!"


"Ahhh, prospect kasi yun hindi suspect"


"Basta pareho lang yun."


"Hin—" bago pa siya magpaliwanag hinawakan ko na ang bibig niya dahil alam kong mahaba na naman ang sasabihin niya at habang nangyayari ito, nakikita ko sa malayo, makakasalubong namin yung bago kong prospect, prospect? Tama na ako ngayon pero ito nga bumibilis na ang tibok ng puso ko na akala mo naman papansinin nitong maputi, singkit at mataas na lalaking naglalakad papalapit.


Hindi makapagsalita, inalis ko ang aking kamay sa bibig ng kaibigan ko.


"Grabe, ano akala mo sa bibig ko isang malaking butas na kailangan busalan?"


Mabilis siyang nagsalita pero ako heto naninigas na sa pagpipigil ng nararamdamang kilig.


"Siya yun na sinasabi ko sayo na suspect" pabulong na sabi ko at agad niya itong sinundan ng tingin.


"Pre, bago ka raw na suspect ng kaibigan k—" di pa niya natapos ang kanyang sasabihin hinila ko na siya papalayo at baka ano pa ang idagdag niyang sabihin.


"Ito ohh bakit mo naman sinabi na bago ko siyang suspect? Prospect."


"Hindi niya yun maiintindihan, ginamit ko ba naman yung suspect, baka akala niya may nagawa siyang mali."


"Meron naman talaga, theft. Ninakaw niya kasi puso ko," sagot ko sa kanya at sabay kaming tumawa ng malakas.


Maingay na ngayon dito sa kung nasaan kami. Naghihintay ang lahat na magsimula sa papanooring show, nakaupo kami sa bandang gitna, kaya kita namin kung sino ang mga nakaupo sa kaliwa at kanan.


"Magbabanyo muna ako, 'di ko na kayang tiisin, lalabas na ata ito."


"Ano ba yan, kahit saan ka talaga abutan, ilalabas mo talaga hindi mo mapigilan."


"Tama na sa kadadaldal, iwan muna kita dyan, wiwi lang ito."


Patakbo akong lumayo sa kanya pero mukhang may sinasabi pa ata siya. Papunta sa banyo hindi ko inaasahang may makakasalubong ulit akoat siya muli.



Napakamalas naman,magpapapansin sana ako kaso mukhang naunang magpapansin yung pantod ko kaya dumiretso na lang ako patungo sa banyo.


Pagbalik ko ang sarap na sa pakiramdam, para akong nabunutan ng tinik sa pantod habang ito namang kaibigan ko nakangiti rin mukha siyang may ginawa na hindi ko alam, yung ngiting parang nagtagumpay sa binabalak na plano. May itatanong sana ako sa kanya ngunti biglang may nagsalita at napatahimik na ang lahat.


Nagsimula na ang palabas. Nakasasabik ang unang bahagi nito, noong una ayaw ko talagang manood, pinilit lang talaga ako nitong kaibigan kong kanina pa nakangiti, pero ngayon mukhang mabuti nga na pumayag ako kasi sa 'di kalayuan nakikita ko sa kanan si prospect!


Nilipat ko kaagad ang aking tingin at nagpanggap na humikab upang hindi niya mahalatang siya ang aking tinitingnan. Bumalik ang atensyon ko sa show dahil bigla tumawa nang sabay-sabay ang manood.


"Ano meron bakit sila tumawa?"


Bago pa itong kaibigan ko sumagot, napangiti muna siya, "Bakit 'di ka ba nakikinig? Nakanino ba ang atensyon mo, doon ba kay chinitong maputi?" sabay turo niya gamit ang kanyang nguso. Tinakpan ko kaagad ang labi niya at baka makita, nakahihiya naman kung makita niyang mukhang gusto ng halik nitong kaibigan ko.


"Ito, alam ko nasa kanan siya, kasi he's the right one for me," hirit ko sa kanya.


"Hindi mo na kailangang ituro gamit 'yang nguso mo, baka mahalata pa tayo dahil dyan," dagdag ko pa.


"Maniwala ka, malalaman din niyan na bago mo siyang prospect, maghintay ka lang," nakangiting sagot niya.


"Paano 'di nga niya ako kilala, isa pa parang mag-iisang buwan pa lang noong nakita ko siya at naging prospect"


"Hala, isang buwan na pala, ngayon mo lang sinabi!" sabay bunggo ng kaliwang balikat niya sa akin.


"Syempre, nakahihiya naman na kakikita ko pa lang at sasabihin kong gusto ko agad, kaya pinatagal ko muna at inalam kung talagang pang-prospect," pigil akong tumawa.


"Sus, ngayon. Paano kung kilala ka niya pala?"


Binalewala ko na lang ang tanong niya at bumalik sa pakikinig sa nagsasalita. Maya-maya pa bigla ako napatingin sa direksyon kung nasaan siya nakaupo. Napatitig ako nang matagal.


"Ang gwapo-gwapo mo talaga, siguro mas gwapo ka lalo kung malumanay ka magsalita" bulong ko sa aking sarili habang nakangiting nakatitig pa rin sa kanya.


Bigla akong napatigil sa pagngiti nang lumingon siya sa kinauupuan ko at ngumiti siya pabalik sa akin. Dito tibok ng puso ko ang nangibabaw na tunog. Agad ko inialis ang mga titig ko sa kanya, 'di ako nagpahalata pero pakiramdam ko sasabog na yung puso ko sa saya at tibok nito.


Bakit niya ako nginitian? Kilala niya ba talaga ako? Tama ata itong kaibigan ko! Gusto ko sumigaw at hampasin ang katabi kong ito dahil sa tuwa kaso 'di ko magawa nasa gitna kami ng maraming tao kaya pinigilan ko muna ang aking sarili.


Tiningnan ko yung kaibigan ko, aba bakit masaya rin siya ehh nakikinig lang naman siya sa nagsasalita sa show. Ganoon ba siya kasaya sa palabas na ito?


Ganoon pa man ibinalin ko na lang din ang atensyon pinapanood namin. 'Di na ulit ako titingin kay prospect baka mahalata na ako. Pokus na ako sa panonood hanggang matapos ito.


"Ano plano mo, papanoorin mo ulit ang karugtong ng show sa susunod? Sana payagan ka ulit para mapanood natin pareho."


"Papayagan ako lalo na ikaw kasama ko, alam mo naman ang tingin ng magulang ko sayo, anghel na may dalang mabuting impluwensya sa buhay ko."


Tumawa siya at tumayo na kami sa kinauupuan upang umalis na. Nang maglalakad na ako paalis sa kinauupuan ko, biglang tumunog ang aking cellphone...








Napatigil ako sa aking nabasa,biglang nanlamig ang aking mga kamay at uminit din ang aking mukha, napatingin ako sa kinauupuan ni prospect, nakangiti siya!


Luhh.


Para sa akin ba talaga ito?





Ikalawang Byahe—'PATUNGO' sayo


"Pre, ayos ka lang ba may tinatanong ako sayo kanina pa, mga tatlong ulit na."


Kanina pa pala nagsasalita yung kasama ko pero 'di ko nga napansin agad dahil sa may nakaagaw ng pansin ko. 


Sa 'di kalayuan isang babae ang napansin kong malakas tumawa kasama ang kanyang kaibigan, napakasaya nilang tingnan kaya nakuha nila ang atensyon ko, teka nila ba talaga o baka yung babae lang, ay ewan basta sa sobrang lapit nila sa isa't isa nagmumukhang magkasintahan ang dalawa. 


Bumalik ang atensyon ko sa aking kausap pero mukhang naunahan na ako ng kaibigan ko sa pagsasalita.


"Aba, saan ka nakatingin kanina? Yun ba ang kumuha ng atensyon ng kaibagan ko?" sabay turo niya gamit ang kanang kamay. 


"Grabe nakakaselos ahh, akala ko pa naman ako gusto mo,"  malungkot at may paawang tono na pagkakasabi niya, nag-aamba pang humawak sa mukha ko.


"Pre, sinasapian ka naman ng ibang isperitu?" mabilis kong sagot habang hinampas ang kamay niya. 


"Ito, biro lang. Alam mo yung babaeng yan. Ganyan talaga yan maganda pero ang lakas tumawa. Palagi pa niyan kasama yang kaibigan niya."


"Di ko tinatanong," sagot ko sa kanya.


"Di mo tinatanong pero tinitingnan lang, ay mali tinitigan pala"  pang-aasar niya sa akin.


"Paniwalaan mo yang obserbasyon mo, basta napatitig lang ako kasi nakuha ng tawa niya ang atensyon ko," pagpapaliwanag ko sa kanya. 


Sa loob at ng isang buwan, palagi kong napapansin ang babaeng ito dahil sa tawa niya. Hindi ako naiinis ahh, minsan napapangiti na rin ako sa tawa niya.


May isang beses sa 'di kalayuan nakita kong naglalakad sila ng kanyang kaibigan, mukhang abala ata dahil halata sa kanila na sila'y masayang nag-uusap. 


Pareho ang direksyon na tinatahak namin ngayon, ito ata ang unang beses na malapitan ko siyang makikita, isang buwan na nakikita ko siya hindi naman ako lumalapit, nagiging mukhang malapit lang ako dahil dinig na dinig ko ang boses niya sa tuwing siya'y tumatawa.


Diretso akong naglakad, umaaktong parang walang nakita. Ewan ko ba, itong puso ko habang papalapit sa kanya mukhang tinatambol, bumibilis ang tibok. Wala naman na rason upang makaramdam ng ganito.


"Teka, dahil ba ito sa babaeng makakasalubong ko?" tanong na nasa isipan ko. 


"Hala! Bakit?" dugtong ko pa. Malapit na kaming magkasalubong, "Umayos ka, dapat nagmukha kang walang pakialam" muli kong sabi sa sarili ko. 


Nakikita kong nakahawak siya sa bibig ng kanyang kaibigan na pilit iniaalis ang kamay niya. Matatawa sana ako kaso syempre nagpigil ako.


"Nakatingin ba siya sa akin? Tulala pa ata si ate mo. Ako ba o baka natutulala na lang siya sa pinaggagawa nilang dalawang magkaibigan."


Inialis niya ang kanyang kamay nang makaraan ako. Maya-maya pa biglang may tumawag sa akin. 


"Pre, bago ka raw na suspect ng kaibigan k—"


Di niya natapos ang sasabihin pero siguradong ako ang kausap nila pero, teka, ano? ako bagong suspect?


Suspect? Ibig sabihin napapansin niya ako?


Ganoon pa man kahit maraming tanong nasa isip ko,nagpatuloy ako  sa pupuntahan ko, alam kong hinihintay na ako ng mga kasama ko, nakarating na ako lahat-lahat sa papanoorin naming show, nawala na sana sa isip ko ang mga salitang ibinato sa akin ng dalawang magkaibigan kanina, ngayon muli ko na namang naalala. 


Nakikita kong nagmamadali siyang naglalakad papalapit , makakasalubong ko muli ata ang babaeng ito. Ngingitian ko ba, titingnan ko siya sa mata o ganoon pa rin hindi ko lang papansinin. Yung una na lang siguro ang gagawin ko. 


Nang magdesisyon akong ngingitian ko siya, siya naman yung hindi lumingon. Mapapahiya sana ako, buti na lang binawi ko kaagad ang ngiti ko noong nakita kong yumuko siya at baka may makakakita pang iba, sasabihig nginitian ko sila. 


Dumiretso na lang ako sa mga kaibigan ko, hinanap ko sila nang biglang may lumapit sa akin.


"Pwede ba tayo mag-usap?"


Nagtataka ako bakit kailangan namin mag-usap ng taong ito, sa lahat ng tao na makikipag-usap sa akin siya talaga? Pinagbibiro ata ako ng tadhana, nahihiya sana ako makipag-usap ngunit mukhang nauuhaw ako sa gusto niyang sabihin.

Mabilis at naging seryoso ang naging usapan naming dalawa. Nanginginit ang aking mga pisngi dahil sa mga nabibitawan niyang salita.


"Kung ganoon, walang mangyayari kung palagi mo lang siya papanoorin sa malayo. Igalaw mo na pre, para makasama ka na namin tumawa o baka ikaw ang maging rason ng kanyang pagtawa."


"Ano? 'di ko maunawaan pre."


Limitado ang mga naging sagot ko sa kanya, parang umurong ang dila ko sa mga gusto kong itanong at sabihin, mas bumilis pa ang tibok ng puso ko, kakaiba itong tibok, hindi ito tulad ng mga dating nararamdaman ko, ang tibok ng puso na may kalakip na saya.


"Nakakatawa ka. Isipin mo na lang mamaya. Sige na balik na ako sa upuan namin. Baka makuha pa ng iba."


"Salamat, sa mga sinabi mo ahh," yan na lamang maikling sagot ko sa kanya.


Hindi pa rin nawawala sa isipan ko ang mga sinabi niya, ako? ako pala talaga?

Pareho pala namin napapansin ang isa't isa. Lahat ba ng pagtawa niya ng malakas ay sinasadya niya? Paano? Bakit di ko pansin?


Nakikita ko siya ngayon, nakaupo sa katabi ng kanyang kaibigan. Hindi ko namalayan nakangiti akong pinagmamasdan siya. Inialis ko ang aking tingin ng bigla nagsimula ang palabas. Hindi ako makapagpokus sa pinapanood ko, tumatakbo pa rin sa isipan ko ang mga nasabi sa akin kanina. Hindi ko rin mapigilan na paminsang tumingin sa direksyon kung na saan siya. Bakit ang saya-saya ng mukha niya? Dumagdag sa kagandahan niya ang pagiging masiyahin sa simple at maganda niyang mukha. Bagay rin naman sa kanya ang mahaba at maitim niyang buhok. Nagmukha rin siyang matalino dahil sa suot niyang salamin sa mata. Teka-teka, bakit naiisip at napapansin ko ang mga bagay na ito tungkol sa kanya? Dati tawa lang naman ang napapansin ko. Ano ba ang meron sa akin?


Ngayon, papabilis muli ang tibok ng puso ko. Inalis ko na lang ang tingin ko sa kanya.


Hinayaan ko munang bumagal ang tibok ng puso ko, ibinalin ko muna ang atensyon sa ibang bagay ngunit heto na naman makalipas ang ilang minuto, namalayan ko na lamang ang mata ko ay wala na sa unahan kundi nasa kanyang direksyon na. Saglit! Sa akin ba siya nakatingin? Tulala pa ata? Ako ba? Mukhang ako nga. Ano ba ngingitian ko ba siya? Sige na nga! Ngumiti ako ng konti pero bakit bigla siya umilag.


Sa pag-ilag niya, ako nga talaga ang tinititigan ng babaeng ito. Mukhang totoo nga, maniniwala na ako sa sinabi ng kausap ko kanina. Totoo ang mga binatawan niyang salita.


Ano ba dapat ko bang galawin ang baso? Pinag-isipan ko ng mahabang oras ang susunod kong gagawin. Tapos na ang palabas at papatayo na ang lahat.


At ngayon, nakapagdesisyon na ako... "Ako pala yung suspect mo." una ko sanang ime-message sa kanya pero mukhang mahangin naman kaya binura ko agad. "Ako pala si-" hindi ko na tinapos ang message muli kong binura. "Suspect, suspect, nahuling nakatitig sa akin kanina." Iyan na ang unang mensahe na ipinadala ko sa kanya. Palakasan na lang siguro ng loob. Napangiti ako at sabay na tumingin sa kanya, kasabay ang hiling na sa sana mapatawa ko siya. Maya-maya pa nagkatagpo muli ang aming mga mata, nakangiti na siya sa akin


"Totoo na ata 'to,hindi na lang sa tawa mo patungo ang atensyon ko, kundi sayo."



Huling Byahe—'SUKLI' sayo


Hindi para sa akin ang pag-ibig.


Aaminin ko minsan na akong nahulog at kaikibat nito ang malalang paglagapak ng puso na naging sanhi ng matinding takot upang hindi na muling lumayag. 


Sa byahe ko sa buhay, may isa akong palaging kasama, isa sa mga kilala kong hindi takot na sumubok magmahal kahit na minsan sakit at lungkot ang naibabalik ng universe sa kanya. 


Hindi naman talaga siya mahirap magustuhan sapagkat naroon naman sa kanya ang itsura, talino at ugaling hahanapin ng isang lalaki. Takaw-atensyon din ang tawa niyang maririnig sa 'di kalayuan, sa madaling salita masiyahin at masarap kasama. 


Ngayon, muli ko namang napapansing nakakuha naman ng atensyon ng iba ang tawa niya. Isang lalaking makailang beses ko nang nakikitang napapangiti rin sa tuwing naririnig niyang tumutawa ang kaibigan ko. Kapansin-pansin din ang ilang nakaw-tingin na ginagawa niya.


Mag-iisang buwan nang napapansin ko ang lalaking ito, may pagtingin na ata 'to sa kaibigan. Ganoon pa man pinagmasdan at inobserbahan ko na lamang ang mga dumating pang mga araw.


Isang beses, habang naglalakad kaming dalawa, umakto na lamang akong walang alam habang nagkukuwento siya tungkol sa bago niyang suspect daw, ewan ko ba pero kailangan ko talaga itama ang salitang ginamit niya prospect kasi yun, ganoon ang mga naririnig kong salita sa mga kaibigang kong lalaki sa tuwing may bago silang nagugustuhan. Nakukulitan pa ata itong kaibigan ko noong ipaliliwanag ko sana ang tungkol doon pero bigla niyang tinakpan ang bibig ko.


Gustong-gusto ko sanang alisin ang kamay niya ngunit bago ko pa ito magawa naialis na niya agad at sabay bulong na ang lalaking chinito na matangkad ay ang tinutukoy niyang prosepect.


Siyempre bilang may kalakasan ang loob, sumigaw ako.


"Pre, bago ka raw na suspect ng kaibigan k—" putol na sabi ko sa lalaking nakasalubong namin dahil hinila na ako nitong kaibigan kong akala mo ehh may tinatakbuhang kasalanan. 


Malakas ang kutob ko na maiintinidhan ako ng lalaking iyon sa sinabi ko kahit hindi ko natapos ang gusto kong sabihin sa kanya, yan ang nasa isipan ko habang nakaupo na kami at naghihintay na magsimula ang palabas na panonoorin  namin. Hindi ito sinehan, nandito kami ngayon sa mala-amphitheater na lugar sa likod ng paaralan namin. Hindi naman gaanong mainit dahil sa papalubong na ang araw. Papanoorin namin ang palabas na itatanghal ng ilang mag-aaral. 


Sabi sa akin ng mga kakilala ko maganda raw ang kwento nito dahil tungkol sa pagkakaibigan kaya niyaya ko itong kaibigan kong manood ngunit bago pa man magsimula ang palabas kailangan niya na namang magbanyo, hindi siya natatae, naiihi lamang siya, ang dami niyang naubos na cucumber juice kanina palibhasa unlimited


"Sige na ilabas mo na 'yan at baka dito ka pa magkalat, makita ka pa na ni boy chinito, nakahihiya naman," panunukso ko sa kanya kahit na paunti-unti na siyang gumagalaw paalis.


Habang tinatanaw ko siya sa papaalis, nakikita kong sinuswerte na naman si boy chinito, makakasalubong niya muli yung kaibigan ko. Sa di kalayuan nakikita ko, mukhang ngingitian niya sana ang kaibigan ko ngunit binawi niya ito. Hindi ata siya napansin, nagmamadali na kasi yung tao baka sumabog na yung pantod. 


Bigla akong napaisip. Bakit niya ngingitian? Nakuha niya ba ang mensahe ng sinabi ko sa kanya kanina? 


Ito ata ang tamang oras para gumalaw at magparamdam. Lalapitan ko na 'to para naman umusad ang kwentong ito. Pero teka, baka sa gagawin kong ito ilalapit ko siya sa sakit at lungkot.


Naalala ko ang sinasabi kong malalang paglagapak ng puso ko, nang minsang nakita ko siyang umiiyak, sobrang nasaktan dahil sa sobra ding nagbigay ng pagmamahal. 


Ganoon pala iyon, aabot pala sa puntong kapag mahalaga at matagal mo nang nakasama ang isang tao kahit hindi mo kadugo, masasaktan ka rin. 


Pero ngayon, mukhang masaya siya. Kakaiba ang saya at sabik na nakikita ko sa kanya ibang-iba ito kung ikukumpara kung kaming dalawa ang magkasama. Tataya ako rito, sa pagkakataong ito.


"Ahh,si-sige," sagot niya sa akin nang lumapit na ako sa kanya at itanong kung pwede siyang makausap. Mukhang gulat pa pero gumilid kami ng kaunti para hindi makaabala sa daraan.


"Hindi na ako magpapaligoy, baka kasi maabutan ako ng kaibigan kong kinakausap kita. Maraming beses na kitang napapansing nagnanakaw ng tingin sa kaibigan ko. Ilang beses ko na ring nakita na napapangiti ka sa tuwing naririnig mo siyang tumatawa, gusto ko lang sana linawin kung nababanas ka ba, pinagtatawanan mo ang kaibigan ko o kung ano pang nasa isip mo," mabilis kong sabi sa kanya pero hindi ko maintindihan bakit nabanggit ko ang salitang nababanas. 


Hindi siya agad nakasagot pero alam kong maganda ang isasagot niya dahil biglang namula ang tenga niya. Alam na alam kong may gustong ipahiwatig ito. 


"Kaibigan?" maiksing sagot niya.


"Oo kaibigan kong babae, yung palagi kong kasama."


"Hindi ko alam kung paano ko sasabihin sayo ang mga nasa isip ko dahil alam kong nagmamadali ka para hindi ka mahuling kausap ako pero isa lang gusto kong sabihin, hindi ako sa kanya nababanas, naiinis o kung ano pa mang negatibong reaksyon, pre."


"Kung ganoon, walang mangyayari kung palagi mo lang siya papanoorin sa malayo. Igalaw mo na pre, para makasama ka na namin tumawa o baka ikaw ang maging rason ng kanyang pagtawa."


"Ano? 'di ko maunawaan pre."


"Nakatatawa ka. Isipin mo na lang mamaya. Sige na balik na ako sa upuan namin. Baka makuha pa ng iba." Madiin kong binanggit ang salitang iyon at sabay na tinapik ko ang balikat niya. May sinabi pa siya pero hindi ko na binigyan ng pansin dahil papalapit na ang kaibigan ko pabalik sa upuan namin.


Bumalik ako sa upuan na hindi maalis sa mukha ko yung saya, sana tamang desisyon ang ginawa ko. Nakabalik na rin yung kaibigan kong galing palikuran. Sigurado marami na siyang ililikot.


Biglang nagtawanan ang mga tao sa pinapanood namin, pero itong kasama ko alam kong wala ang atensyon niya sa pinapanood namin, ang mga mata niya kasi napapatingin sa bago niyang prospect.


"Nakanino ba ang atensyon mo, doon ba kay chinitong maputi?" tinuro ko gamit ang nguso pero tinakpan niya agad, kadiri galing pa naman siyang banyo kanina.


"Ito, alam ko nasa kanan siya, kasi he's the right one for me," aba humirit pa ng napakakorny ang babaeng 'to.


"Hindi mo na kailangang ituro gamit 'yang nguso mo, baka mahalata pa tayo dahil dyan," dagdag pa niya


"Maniwala ka, malalaman din niyan na bago mo siyang prospect, maghintay ka lang," nakangiting sagot ko sa kanya.


"Paano 'di nga niya ako kilala, isa pa parang mag-iisang buwan pa lang noong nakita ko siya at naging prospect"


"Hala, isang buwan na pala, ngayon mo lang sinabi!" sabay bunggo sa kanang balikat niya umakto na hindi ko napapansin at alam ang nangyayari.


"Syempre, nakahihiya naman na kakikita ko pa lang at sasabihin kong gusto ko agad, kaya pinatagal ko muna at inalam kung talagang pang-prospect," Habang sinasabi niya ang mga salitang iyon, makikita mong talagang tinamaan na siya, kahit ang mga mata niya ngumingiti..


"Sus, ngayon. Paano kung kilala ka niya pala?" 'Di niya ako pinansin sa tanong ko na iyon, di na lang din ako umimik pero nakangiti lamang ako.


May iniisip na naman siya, wala na naman ang mata niya sa pinapanood namin. Sa lalim ng taong ito mag-isip, sana kasiyahan ang magiging kalalabasan.


At mukhang pumapabor nga ang tadhana, iyon ang nangyari, nagkatagpo ang mata ng nilang dalawa, kitang-kita ko! Umiwas ang kaibigan ko sa tingin ni boy chinito. Napangiti ako bigla ngunit di nagpahalata na alam ko ang nangyari. Siguradong ang lakas ng kabog ng puso nitong babae.


Patapos na ang palabas at niyaya ko ulit siyang panoorin ang ikalawang bahagi ng kwento sa susunod na linggo. Mabilis ang kanyang sagot, papayagan siya dahil ako ang kasama niya. Naisip ko nga, baka sa susunod na panonood namin hindi na lang ako ang kasama niya, maaaring kasama na rin namin ang bago niyang prospect.


Maya-maya pa nang patayo na kami sa kinauupuan namin, bigla siyang napatulala sa cellphone na hawak niya, namumula ang pisngi at akmang kukurba ang mga labi. Iniangat niya ang kanyang mga mukha at ibinalin ang tingin sa direksyon kung nasaan ang bago niyang prospect. Mukhang ginalaw na nga ang baso, mukhang napag-isipan na nga ng lalaking iyon ang mga sinabi ko.


Ngayon, tanging hiling ko lang habang pinagmamasdan ko ang titigan ng dalawang ito, sana hindi na muling maranasan ng kaibigan ko ang masaktan muli.


Marami pa akong sana, sa pagkakaibigan naming dalawa. At isa sa pinakamahalang sana ko, umabot ang pagkakaibigan namin hanggang dulo. Magiging masaya akong makita siyang naglalakbay kahit na madagdagan kami ng isa.


Kung hindi man ako dalawin ng pag-ibig, ayos lamang iyon sa akin. Mahalaga sa akin, nasa tamang tao at desisyon ang kaibigan ko. Iyon ang pinakamahalagang maisusukli ko sa kanya sa napakahabang biyahe pa na lalakbayin naming dalawabilang magkaibigan.



---wakas---





Hindi talaga lahat ng tao, dinadalaw ni kupido. May ilan sa atin na mag-isang bibiyahe sa buhay dahil iyon ang kapalaran nila. Ngunit, hindi ibig sabihin ng pag-iisa na iyon ay wala kang kaibigan na makakasama o malalapitan, palaging mayroon. Ilan sa atin ay hindi biniyayaan ng kapareha sa buhay pero napakasuwerte sa mga kaibigan.


At sana, kung isa ka sa mag-isang bibiyahe sa buhay, hiling kong may makilala kang kaibigang palaging ang hangad at laman ng kanyang 'sana' ay ang kasiyahan mo hanggang sa makarating ka sa destinasyon na iyong gusto.

Maraming Salamat sa pagbabasa at umabot ka rito sa dulo.


Para na.


Hanggang sa susunod na pagbiyahe ng mga kwento-kwento lang!


—Sisaaaaaa











 
 
 

Comments


Subscribe Form

Hanggang sa muli!

  • Facebook
  • Instagram
  • Youtube

©2021 by Mga agam-agam ni Sisa. Proudly created with Wix.com

bottom of page