top of page
Search

Balintataw: Trilogy (Ang kwentong hango sa pamagat ng ilang awit ng Ben&Ben)

  • Writer: Quessa
    Quessa
  • Jul 13, 2024
  • 8 min read

Updated: Jul 14, 2024

Sumubok muli akong maglakbay sa mundo ng mga salita noong taong 2021 kung kailan sariwa pa ang sakit na dulot ng pag-ibig (akala mo naman ay pinanindigan) at yun na nga sa paglalakbay kong ito nakabuo ako ng kwentong pinaghalong karanasan at imahinasyon.


Sa tagal ko nang nakikinig ng mga awitin ng Ben&ben nahulog na ako sa mensahe at kwento ng kanilang musika. Sa bawat awit na kanilang inilalabas iba't ibang kwento ang nabubuo sa aking isipan. Matagal ko nang pinag-iisipan na magsulat tungkol sa kanilang awitin at ngayon nagawa ko na nga. Tatlong magkakaugnay na kwentong salamin ng Internet Love.


Sana'y magustuhan ninyo ito kagaya ng mga naisulat kong dagli. Mahaba ang kwentong ito at bago ka sana magsimulang magbasa, hiling kong malaya mong buksan ang iyong imahinasyon upang lubos mong maunawaan at maramdaman ang kwento ng dalawang tauhan sa kwentong ito. Isang pangkaraniwang kwento ngunit may kakaibang istilo.


"Hindi man sinalubong ang ating mga nararamdam, tandaan nating humihilom rin ang sugat, kailangan lamang magpahinga"


Maligayang pagbabasa, kapwa ko liwanag!




Pasalubong: Unang Bahagi


Nagulo ang mundo dulot ng pandemya at para sa kaligtasan ng lahat ipinagbawal ng pamahalaan ang paglabas sa ating mga sariling tahanan. Dahil dito nagsimulang umikot ang buhay natin sa hindi nakasanayan. Naging isang malaking hamon sa bawat isa kung papaano gugulin ang buong araw sa loob ng bahay. Kahit anong bagay ay sinubukan ng lahat upang hindi mabagot at maubos ang oras sa pagtutunganga. Ganyan na ang naging buhay ng karamihan at kasabay ng mga nangyayari sa paligid nagsimula ring mabago ang buhay ko.


Ang dating abala sa trabaho at tahimik na mundo ko ay nadagdagan ng sigla at ingay. Ito ay dahil lamang sa isang taong hindi ko inaasahang kakausapin ako. Hindi iba sa lahat ang kwento kong ito, “Classmates” sa isang salitang iyan nagulat ako dahil nakita kong sumulpot ang kanyang pangalan sa screen ng aking cellphone. “Luhh” ang naibulong ko sa aking sarili. Sa una nag-aalinlangan pa akong buksan at sumagot sa kanya dahil nga alam kong mauuwi lang naman sa “hahaha” ang lahat. Sa mahabang pag-iisip ko, hindi ko alam pero sumagot ako… at ‘di kagaya ng aking inaasahan lumalim ang usapan at inabot ng ilang oras hanggang sa isa na lamang sa amin ang nagsabing matutulog na.


Tumagal ng ilang araw hanggang sa naging linggo, buwan ang aming pag-uusap. Isang araw nagulat na lamang ako na sa unang pagkakataon bigla kang tumawag. Nakapagtataka nakaramdam ako ng bilis ng tibok ng puso noong nabasa ko ang iyong pangalan at walang pag-aalinlangan agad ko itong sinagot. Sa pag-uusap nating iyon nakaramdam ako ng kasiyahang hindi ko pa naramdaman kahit kanino. Kakaibang saya iyon maging sa mga mata ko’y makikita iyon. Mula sa unang beses na tawag nasundan pa iyon ng napakaraming tawagan na inaabot ng ilang oras.


Sa mga nangyayari sa amin nagsimula na akong magtaka. “Ano nga ba ito?” “Saan ba ‘to patutungo?” Walang direksyon, wala talagang usapan sa kung ano kami ngunit isa lamang ang sigurado, sa pagkakataong ito masaya ako.

Minsan may nabanggit ka tungkol sa isang tao. Hindi man ganoon kadetalyado ang pagkaka-kwento mo pero naaalala ko ang taong iyon ay mahalaga sayo. Ano at sino pa man iyon, ang paksang iyon ay natabunan ng saya na nararamdaman ko. Ganoon pala ano, hindi mo inda yung mga bagay na hindi naman gaanong mahalaga. Nakatuon lamang ang isip mo sa taong nagpapasaya sayo kasi masarap maging masaya, masarap sa pakiramdam na may nagpapasaya.


“May ipapakita ako sayo, magkita tayo” tandang-tanda ko pa ang mga linyang ito. Dumating nga ang araw na kinasasabikan ko, ang magkita kaming dalawa. Sa unang pagkikita namin napag-isipan kong isang liham ang gusto kong ipasalubong sa kanya. Liham na naglalaman ng mga salitang bakit ako masaya at ang rason kung bakit pumayag ako na makipagkita. Pumunta ako sa lugar na napag-usapan namin, malayo pa lamang nakikita kong masaya ang kanyang mukha habang ako’y papalapit. Hawak ko noon ang liham na pasalubong ko sa kanya. Ngunit bakit ganoon pakiramdam ko habang papalapit ako ay napapalitan ang saya ng kaba. Nakita kong may pasalubong ka rin pala. Kakaiba. Nagsimula nang bumibilis ang pintig ng puso ko…


“Si…” sabi niya…


Hindi ko na narinig ang karugtong dahil ang tanging naririnig ko sa oras na iyon ay ang pintig ng puso ko

May pasalubong pala tayo sa isa’t isa ngunit ang isa ay hindi magiging masaya…






Sugat: Ikalawang Bahagi


“Hindi na lang ikaw ang sugatan sa sitwasyon nating ito, maging ako...” Yan na lamang ang paulit-ulit na salitang naririnig ko noong nagdesisyong kaming maghiwalay ng matagal kong kasintahan. At sa araw-araw na dumaraan nahihirapan akong iproseso, kung paano nangyari.


Ngunit hindi natin kailangang magpalamon sa lungkot at sakit. Kaya’t nagpatuloy ako. Hinanap ko muli ang kasiyahan at sa tagal kong naghahanap natanggpuan ko ito sa isang kakilala. Isang kamag-aral, na sa pagkakaalala ko siya’y isa sa aking mga kaibigan noon. Nakita ko ang kanyang larawan, nakita ko kung gaano siya kasaya sa buhay na mayroon siya. Mahahalata sa kanyang gusto niya ang kanyang ginagawa. Naglakas loob akong magpadala ng isang mensahe sa kanya sa pamamagitan ng isa niyang post.


“Classmate” yan ang nasabi ko. Umaasa na lamang baka maalala niya pa ako. Naghintay ako ng kanyang sagot at bigla kong naisip nakakahiya para sa akin kung hindi niya iyon sasagutin. Nakatulog na lang ako sa paghihintay dahil pagod ako sa trabaho at nagising biglang sa tunog na narinig ko. “ngayon magkatrabaho na” yan ang nabasa kong sagot niya sa mensahe ko. Hindi ko inaasahang ganyan ang isasagot niya. Alam kong hindi matatapos sa “hahahaha” ang usapang naming ito dahil ang sarap sa pakiramdam na may nakakausap tayong tao na hindi natin akalaing kakausapin tayo. Tumagal ang usapan naming iyon, ako na lamang ang sumuko dahil kailangan ko nang matutulog sapagkat may pasok pa ako sa trabaho kinabukasan.


Hindi natigil ang pag-uusap naming iyon, ito’y tumagal pa ng araw, linggo at buwan. Nagpapasalamat ako dahil nararamdaman kong nakakaahon na ako sa sakit at lungkot na mayroon ako noon. Nararamdaman kong hindi lang naman ako ang masaya maging siya. Magaan siyang kausap, hindi siya nauubusan ng kwento. Punong-puno ng kakulitan ang ilang mga salita niya. Kaya hindi ka mababagot na kausapin siya. Hindi na siya ang naalala kong kamag-aral noon, siya’y kakaiba na ngayon.


Sa tagal na naming nagpapalitan ng mensahe, ni minsan ay hindi ko pa narinig ang kanyang boses. Kaya naisipan kong tumawag sa kanya. Kabado pa ako noon dahil sa unang pagkakataon mag-uusap kami sa tawag. Akala ko mahihiya ang bawat isa sa amin na kausapin ang isa’t isa ngunit hindi, akalain mo yun punong-puno kami ng tawanan.


Isang beses matapos ang masayang usapan napagtanto kong parang may mali,alam kong hindi dapat siya ang maging daan para makalimot ako sa sakit at lungkot dahil baka isipin niya panakip-butas siya ngunit hindi, isa siyang kaibigan na alam kong dahil sa pagiging positibo at masiyahin niya natulangan niya akong makaalis sa lugar na minsan akong nakulong. Masaya akong nakabuo ng pagkakaibigan sa kanya. At alam kong hindi ako nararapat na lalaki para sa kanya, maaaring kaibigan ngunit alam kong hindi magiging ka-ibigan dahil ngayon pinipilit ko pa ring ayusin ang tungkol sa amin ng aking kasintahan.


Totoong masaya akong nakakausap ko siya, ngunit kinailangan kong ayusin ang tungkol sa aming dalawa ng kasintahan ko, sapagkat hindi ko hahayang masayang ang mahabang panahon na pinagsamahan naming dalawa. Isang gabi napatawag siya matapos ang isang buwan na kami’y nag-uusap tungkol sa aming dalawa. “--ikaw pa rin talaga” mga salitang nasambit niya sakin. Naluha ako dahil alam ko sa puntong ito naayos ko ang problema naming dalawa. Alam kong mahal pa namin ang isa’t isa.


Matapos ang usapan naming ng aking kasintahan, tumawag ako sa kanya at sinubukan kong ikwento sa kanya ang tungkol sa akin at sa aking kasintahan. Ngunit nakita ko siyang masaya. Sinubukan ko sanang ikwento sa kanya ang lahat ngunit binanggit ko na lamang ng pahapyaw na nagkaayos na kami ng taong isa sa mahalaga sa akin. Pero wala siya ibang tinanong at nasabi niya lamang mabuti at naiba na ang usapan namin.


Nagpasya akong magkita kami sa haba ng buwan nang aming pag-uusap. Nagkita kami sa hindi gaanong mataong lugar para na rin sa kaligtasan namin. Dumating nga siya ngunit mukhang mababakas sa mukha niyang hindi siya gaano kasaya.


Pinakilala ko siya sa kasama ko.


Nag-usap kami at kumain sa Kapetolyo. Habang kaming dalawa lang ang naiwan sa mesa dahil ang aking kasintahan ay pumunta ng banyo, nakita kong nagsusulat siya sa isang tissue. Iniabot niya ito sa akin at nagpaalam na uuwi na.


“Salamat sa kape nagising ako”


Pagdating ko sa bahay patuloy kong inisip kung ano ang ibig sabihin niya noon. Biglang may tumunog, nabasa ko ang isang mensahe


“Tinulungan niya akong magamot ang sugat ko, ngunit ako naman ang nagbigay ng sugat sa kanya” mahina kong bulong…






Magpahinga: Huling bahagi


“Pahilumin, mga sugat

'Di ikaw ang iyong nakaraan

Pahilumin, mga sugat

Malayo pa ang 'yong patutunguhan”


Isang awitin ang nagpagising sa akin mula sa isang panaginip na hindi ko siguro kakayanin kung magiging totoo. Panaginip na tungkol sa taong nagpapasaya sakin ngayon. Napatulala ako matapos na magising. Baka nga tama ang mga pag-aalinlangan ko sa kasiyahang nararamdaman ko ngayon. Pero bakit ang kasiyahang ito ay nakakaadik. Ngunit naroon pa rin naman ang takot ko na baka kung kailan ko bubuksan ang aking puso ay saka naman maling tao ang pagbubuksan ko.


Natigil ang pag-iisip ko nang biglang may tumunog, “Kamusta ang araw mo?” isang mensahe ang aking nabasa. Bumangon ako sa pagkakahiga at nag-isip kung anong magandang isasagot sa mensahe niya. Naisipan kong magkwento sa kanya ng napanaginipan ko.


“Alam mo napanaginipan kong nagkabalikan raw kayo ng dati mong kasintahan” sagot ko sa mensahe niya. Matagal na kaming nag-uusap pero ni minsan hindi namin napag-usapan ang buhay pag-ibig niya. Baka nga ito na ang pagkakataon na magpag-usapan namin.


Naghintay ako sa sagot niya. Tapos na akong maghapunan ngunit wala pa rin. Hanggang sa nakatulog na ako sa paghihintay. Nabasa ko na lamang ang sagot niya kinabukasan.


“Pasensya na, maraming trabaho kagabi, kaya di kita nasagot.”


Naunawaan ko naman sapagkat ganoon kami kadalasang mag-usap nitong mga nakaraang araw, naghihintay ng ilang oras bago makasagot sa mensahe ng isa’t-isa dahil nga minsan pareho kaming abala sa trabaho. Ngunit sabi ng kaibigan ko hindi raw iyon karaniwan dahil kung talagang mahalaga ka sa isang tao kahit gaano pa kaabala ay magbibigay ng ilang segundo upang basahin at sagutin ang mensahe mo.


Marami na tuloy pumapasok sa isipan ko hindi ko na tuloy alam kung ano o alin ang dapat ko bang sundin, ang kasiyahan ba na nararamdaman ko o yung payo ng kaibigan ko. Ewan ko ba basta ang malinaw para sakin masaya kami.

Ilang araw ang lumipas, ang mga oras na hindi nasasagot ang bawat isa ay naging mas komplikado dahil sa pagkakataong ito araw na ang pagitan bago pa kami mag-usap o di kaya linggo. Nakapagtataka dahil bigla na lamang kaming naging ganito. Masaya naman kami pareho, o baka nga ako lang ang masaya.


Nagiging totoo na ata ang panaginip ko. Talagang masasaktan ako.


“Kumusta ang mga araw mo?” tanong niya sakin sa isang mensahe.


Kinuha ko na ang pagkakataon na ito para mabigyan ng linaw ang lahat… kung bakit humatong sa ganitong sitwasyon ang dating masayang pag-uusap.


“Okay naman ako, marami lang pagtataka noong mga nakaraang araw”


Bigla siyang tumawag, agad ko itong sinagot. Naririnig ko ang bunting hininga niya,


“Nung mga nakaraang araw sinubukan naming muling…”


Nakinig ako at sumagot ng maiiksing salita habang siya’y nagsasalita. Hindi ko na rin natandaan ang mga sumunod niyang sinabi basta isa lang ang malinaw, pareho kaming masaya... noong mga unang nagkausap kami ngunit ngayon…


Iba…


Natigil ang usapan namin. Wala akong nasabi o nailabas tungkol sa nararamdaman ko o maging sa kalituhan na nasa isipan ko.


“Sige na, magpapahinga na ako, pagod na rin naman ako”



---wakas---




Isinulat ko ang kwentong ito sa loob ng tatlong araw at sa pagsusulat ko, doon ko napagtanto na ang hirap umibig lalo na kung hindi pa talagang buo ang pagmamahal ng isa sa sainyo. Ang hirap umibig kung puro lang paramdam at walang kasiguraduhan. At, siguro kung mababasa ito ng taong pinanghugutan ko ng inspirasyon upang mabuo ang kwento, masasagot na ang tanong niya sa akin noon kung nagustuhan ko rin siya.


Pasasalamat sa Ben&ben dahil sa kanilang talento muli akong nakabuo ng kwento. Pasasalamat din sa isa kong kaibigan na siyang aking naging katuwang sa pagbuo ng trilogy na ito, ang aking Sinang, Ofelia.



Hanggang sa susunod na pagbabasa!




—Sisaaaaaa



 
 
 

Comments


Subscribe Form

Hanggang sa muli!

  • Facebook
  • Instagram
  • Youtube

©2021 by Mga agam-agam ni Sisa. Proudly created with Wix.com

bottom of page