KUMUSTA?
- Quessa
- Feb 18, 2023
- 2 min read
Kumusta isang simpleng salita, kalimitang nakalilimutang itanong — sa mahal sa buhay, kapwa at lalong-lalo na sa sarili.
Oo, tama maging sa sarili dahil minsan nakalilimutang pagnilayan ng tao ang sariling buhay dahil sa kaabalahan at ingay ng mundong ginagalawan. At kadalasan nagiging sanhi ito kung bakit nawawalan ang tao ng direksyon.

Sa kagustuhang masabayan ang karamihang bagay at pangyayari sa mundo patuloy ang tao na kumikilos at naghahanap. Ang pinagkaiba lamang ng bawat isa ang ilan ay napagod, ang ilan nama'y nagpapatuloy at ang ilan ay hindi na muling sumubok.
Sa paglalakbay sa buhay, huwag sanang kalimutan ang sarili. Palagi't palagi, unahin muna ang sarili. Hindi maaabot ng tao ang kanyang kagustuhan at hangarin sa buhay kung walang tamang diresyon na patutunguhan at lalong-lalo na kung hindi na alam ang nangyayari sa sarili.
Dito mabisang magagamit ang pagtatanong at pagmumuni-muni, ngunit nasa pagitan ng mga ito ang salitang hiya at takot. Alisin nawa ng bawat isa ang pag-aalinlangan sa pagtatanong ng kumusta. Sapagkat minsan, hindi na lingid sa kalaaman ng lahat, ang tao'y nahihiyang magtanong at ganoon din nahihiyang sumagot.
Kung tatanungin kita ngayon,
Kumusta ka?
Siguradong ang isasagot mo'y ayos lang naman, ngunit ang totoo may tinatago itong kahulugan. Ikinukubli ng tao sa salitang "ayos" ang tunay na nararamdaman at sitwasyon ng buhay. Dahil kung sasagutin ng tao, ang tanong na kumusta ka, kailangan itong pagnilayan, 'pagkat hindi lamang ito tungkol sa isang bahagi ng buhay o ano pa man. Ito'y tungkol sa buhay ng tao sa kabuoan.
Huwag na ring hintaying sa ibang tao magmumula ang tanong na kumusta, kailangang simulan ito sa sarili. Bigyan ng panahon ang sarili na mapagnilayan ang mga bagay sa buhay — mga bagay na nagawa, ginagawa, at gagawin pa lamang. Mga bagay na nagiging balakid, kasama na riyan ang nararamdaman.

Mahalagang alam ng tao kung nasaan siya at kung saan patungo nang sa ganoon ay masaya at ganap niyang maisakatuparan ang pangrap at tunguhin sa buhay.
Isang paalala lamang, mapaghamon at puno ng pagsubok ang mundong ginagalawan, ngunit ang mga bagay na ito, ang siya ring magpapatatag sa tao.
Sa paglalakbay mo, isama ang katanungang ito...
Kumusta nga ba talaga tayo, sa kabila ng ingay at pabago-bagong mundo?
—Sisaaaaaa
Comments