top of page
Search

—kapag si Sisa'y nasaktan

  • Writer: Quessa
    Quessa
  • Jun 24, 2023
  • 12 min read

Kumusta ka? Dalawang buwan na ang nakalipas noong huli akong nagbahagi ng kwento. Kung naaalala mo naikwento ko ang dahilan kung bakit ako nagsulat ng mga maiikling berso, at sa pagkakataong ito akin namang ibabahagi ang kwento sa likod ng mga dagling aking naisulat. Sa katotohanan, hindi talaga ako palagiang nagsusulat. Nakabubuo lamang ako ng kwento kung ang mga salita at imahe ay kusang dumalaw sa aking isipan. Noong 2021, nagsimulang maglaro ang mga salita at imahe, aking naisip na magsulat ng mga dagli na hango sa mga bersong aking naisulat at ibahagi ito sa aking mga mambabasa. Sa loob lamang ng humigit kumulang na tatlong araw nabuo ko ang 14 na dagli na ang mga kwento ay hango sa karanasan ko sa buhay, pakikipagkaibigan at higit sa lahat pag-ibig. Nawa'y basahin niyo hanggang dulo ang mga dagli na katumbas ng labing-apat na berso na nabuo ko sa parehong taon.


Isang kahilingan lamang, bago kang magsimulang magbasa, sana'y buksan mo ang iyong imahinasyon sapagkat sa pagbabasa ng dagli, nangangailangan ng malawak na pag-unawa, nasa saiyo bilang mambabasa ipinapaubaya ang kahulugan ng wakas ng kwento.


Maligayang pagbabasa!


Dagli Blg. 1

“Ang gandang tignan ng mga ngiti niya” bulong ko sa sarili ko habang tinititigan ko siyang tumatawa.


Naalala ko noong unang narinig ko ang mga tawa niya, ang dahilan kung bakit mas naging malapit kaming magkaibigan. Sa tawanan nagsimula ang lahat. Matapos noon bumuo na kami ng mga alaala. Magkatabi ng upuan sa klase at ‘pag walang guro, doon lang sa loob ng silid-aralan nagkukwentuhan at naglalaro ng kung ano-ano. Minsan nga dahil sa madalas tayong magkasama pinagkakamalan na tayong kambal tuko at ang mas malala pa noong tumuntong tayo ng kolehiyo pinagkamalan tayong magkasintahan dahil hindi raw tayo mapaghiwalay. Napakasaya na ganoon tayo. Kung alam mo lang, kinausap ko noon ang Panginoon, sana ganoon lang tayo habambuhay, ang masaya lang sa piling ng bawat isa.


Ngayon, heto pa rin ako minamasdan ko ang iyong tawa, ang mukha mong masaya.


Bigla ako napatigil sa pagtitig sayo nang biglang may isang babaeng nagsalita “Ano ba tignan mo nga dinaraanan mo”. “Sorry miss” sagot ko sa kanya at nagpatuloy na ako sa paglalakad.




Dagli Blg. 2

“Hawakan ko kamay mo ahh” sabay hila sa mga daliri ko. Nagtataka ako kung bakit.


Bata pa lang ay matalik na kaming magkaibigan. Alam namin ang kalakasan at kahinaan ng bawat isa; sa mga pagkakataong nasa alanganin palagi naming pinipili ang isa’t isa. May pagkakataong ngang hindi niya na dapat akong piliin kasi nakataya na ang pagkakaroon niya ng kasintahan pero ako pa rin ang pinili niya, kasi kaibigan niya ako, ako ang nauna. Nakapagtataka ‘di ba? At sa tuwing may problema siya sa babae at ako sa lalaki nagiging takbuhan din namin ang isa’t isa. Sa haba nang pinagsamahan namin hindi na ako magtataka kung ang lalaking ito ang ibibigay ng Panginoon para sa akin.


Isang gabi, maghahapunan na nang bigla siyang dumating sa amin, galing sa bahay ng isa naming kaibigan. Tumambay kami sa labas. Nag-usap nang kung ano-ano, na yun naman talaga ang karaniwang ginagawa namin. Habang kami'y nag-uusap nakaramdam ako ng kakaiba kahit sa kilos niya. Nagtaka talaga ako kasi bigla niyang hinawakan ang kamay ko, yung hawak sa kamay na sa tagal naming magkaibigan hindi ko pa nararamdaman, ngayon lang.


“Itigil mo na iyang nararamdaman mo…hanggang dito lang talaga maibibigay ko” mahinahon niyang sinabi ang mga salitang iyon.


At makalipas ang ilang segundo, isang bulong ang aking narinig mula sa aking isipan , mga salitang karaniwan kong naririnig “kailangan mong tatagan”.




Dagli Blg.3

Sabi nila kasama na raw sa pagmamahal ang away, ang hindi pagkakaunawaan at ang tampuhan. Ang mga ito raw ang magpapatatag sa isang samahan.


Minsan dinalaw tayo ng pagsubok at napagtagumpayan naman nating magkasama. Natutuwa nga ako dahil sa lahat ng pagsubok na iyon hindi ka bumitaw. Nanatili tayong matatag.

Ngunit, tulad ng ibang kwento, ang pagmamahalan nati’y dumating sa pagtatapos.


Sinubukan nating labanan ang pinakamalaking pagsubok. Akala ko malalagpasan natin iyon kasi nandyan ka at hawak mo ang kamay ko. 'Di ko akalain na darating pala sa puntong ako na lang ang lalaban mag-isa para sa ating dalawa.


Sa kagustuhan kong manatili ka, mas tinatagan ko pa. Lumaban ako, hinawakan ko ang paniniwalang tayo pa rin hanggang dulo. 'Di naglaon, nagising ako---


“Okay pa ba tayo” tanong niya sa akin.


“Okay tayo.” sagot ko sayo.


Wala kang ginawa matapos kong sagutin ang tanong mo. Tinitigan kita pero bakit ganoon habang tumatagal pader na lamang ang nakikita ko…


“Uy, okay lang ba? Bakit mag-isa ka na naman dito sa kwarto" tanong ng malapit kong kaibigan habang papalapit sa akin at akma akong yayakapin.


“Ang tagal-tagal na ahh” wika niya habang yakap niya ako.


Sabi ko naman sa kanya, okay kami”.




Dagli Blg. 4

Simula pa man noon, sinabi niya sa'kin na sagutin mo ako ngayon at araw-araw kitang liligawan, malinaw na sa akin na puro ang intensyon niya. Naging maganda at masaya nga ang mga araw na tayo’y magkasama. Sa bawat araw na iyon ramdam ko na totoo nga yung sinabi mo sa akin. Napanindigan mo. Simula sa maliliit na bagay na pagbubukas ng pinto para sa'kin, sa pagprotekta sa daan habang naglalakad, sa pagbili ng paborito kong pagkain, sa pagsama sa tabing-dagat, sa mga nakaw na larawan at sa hanggang sa mga pagkakataong hindi ko matanggap ang sarili ko pero pinipili mo ako.


Kaya’t nasabi kong ikaw na ang lalaki sa bubuohin kong kwento. Ikaw ang lalaking gusto kong maging pangunahing tauhan sa buhay ko. Naplano na natin ang lahat. Simula sa paaralan kung saan tayo papasok, sa kursong kukunin, sa papasukang trabaho,maging sa bahay na gusto nating dalawa.

Pinagpala na talaga ako kasi lahat ng panalangin ko natupad. At heto tayo ngayon, ikakasal na, bubuo muli ng bagong kabanata…


“Aba’y napakaganda naman ng kwentong ito” pagpuri ng guro ko sa Filipino sa ginawa kong wakas ng isang kwento.


“Parang totoong-totoo ito ahh” dugtong pa niya.


“Sana nga ma’am totoo, kaso ako lang ata yung may gusto ng aming kwento”.




Dagli Blg. 5


Naglalakad ako malapit sa parke na nakagawian nating tambayan. Nadaanan ko rin ang paborito nating kainan. Maraming alaala ang bumalik sakin pero sabi ko nga pansamantala lang naman ‘to kasi sabi mo huminga muna tayo.


Sa paglalakad ko, ako'y nagpahinga at umupo malapit sa ilang tao na nagkukumpulan. Hindi ko alam pero mukhang masaya sila, magkakaibigan ata. Maya-maya'y nilayo ko ang aking tingin sa kanila.


“Magpahinga muna tayo, para makapag-isip-isip” isang lingo na ang nakakalipas ng sabihin mo iyon sa akin matapos ang malalang away natin.


“Hindi naman tayo naghihiwalay, di ba?” tanong ko at tumango ka. Umuwi tayo na buo ang isipan na tayo’y magpapalamig lamang ng ulo. Sa loob ng isang linggong iyon okay naman tayo kaya alam kong kapag nagkita tayo sabik kang yakapin ako.

Nawala bigla ang iniisip ko nang magtilian ang ilang tao na malapit sa'kin. Mukhang masaya sila kaya naglakad ako papalapit. Nang malapit na a ako nakita ko ang isang nakatalikod na lalaki. Natutuwa ako, kasing hugis niya ang katawan mo. Naalala ko tuloy noong araw na sinagot kita marami ring tao noon. Unti-unti akong lumapit at nakipagsiksikan sa mga tao.


“Oo, next level na tayo” malakas na sabi ng babae sa lalaking nasa harapan niya. Masayang niyakap ng lalaki ang babae. Sa pagharap nilang dalawa sa mga tao natulala ako…


Nakapagpahinga ka na pala”.




Dagli Blg. 6

"Hi, ang ganda naman ng suot mo."

Iyan ang komentong ibinigay mo sa larawan kong nakita mo sa isa sa mga social media account ko. Hindi pa ako nakasasagot sa komento mo biglang may sumulpot na message sa screen ng aking cellphone, pangalan mo ang nakita ko. At doon nagsimulang mag-usap at magkapalagayang loob.


Naging magkaibigan tayo, palagi tayong magkasama kahit saang lakad na mayroon ang isa't isa. Ang saya! Sobrang saya. 'Di natin namamalayan ang mga oras at araw na lumilipas. Minsan nakita ko sa mga mata mo na masaya kang kasama ako, naramdaman ko ang pagmamahal mo at sa bawat takbo ng oras ay hawak mo ang kamay ko. Nalunod ako sa pakiramdam, dala ng mga paramdam mo dahil alam ko magtatagal, alam ko totoo.

Biglang may gumuhit na ngiti sa aking mga labi, ngunit agad din iyong nawala nang biglang may tumawag sa aking pangalan...


"Halika na, overtime ka na naman," bigla akong nagulat. Nakita kita.


“Ano naman iniisip mo, nag-iisa ka na lang dyan.” dugtong niya habang nasa pinto at hinihintay ang bagong niyang kasintahan.


At nilibot ko nang tingin ang silid. Wala akong kamalay-malay, ako na lang itong naiwan.




Dagli Blg. 7

Maaga akong nagising at mukhang mas maaga pa ata ang kasamahan ko sa bahay na nagising kumpara sa akin, at mukhang abala na ang bawat isa. Nagdasal muna ako nang taimtim bago bumangon at nag-ayos ng higaan. Tumungo ako sa kusina at nagtimpla ng paborito kong tsokolate. Sa bawat higop ko napapangiti ako dahil naalala kita, paborito mo rin kasi ang tsokolate. Pagkatapos ay madalian akong naligo dahil alam kong matatagalan ako sa pag-aayos. Handa na rin ang damit na isusuot ko na pinili mo noon pa para sa akin. Tinulungan ako ng aking kapatid sa pag-aayos ng aking buhok, ako naman sa paglalagay ng kolerete sa mukha. Sinuot ko na ang damit at ang bagong sapatos na binili ko para sa espesyal na araw na ito. Naglagay rin ako ng kwintas at hikaw.

Dahan-dahan akong lumabas ng silid.


“Ang ganda talaga ng bunso ko,” sabi ni Inay sa'kin.


“Mana sa'yo Nay, ang ganda niyo rin kaya,”


“Ai siya sige magmadali ka na at baka mahuli ka pa patungong simbahan”.


“Mauna na rin kami,” pahabol ni Inay.


Sumakay ako ng kotse at dumiretso sa simbahan. Kinakabahan ako kasi alam kong magiging espesyal ang araw na ito para sayo. Nagsimula na ang seremonya.


“Tinatanggap ko po Father” isa sa mga salitang binitawan mo. Napangiti ako at napaluha. Isang malakas na palakpak ang ibinigay ng katabi ko at ng mga tao sa silid ng simbahan, nakisabay na rin ako sa mga pumalakpak at muling napangiti.




Dagli Blg. 8

Nagmamadali ako noon papasok sa isang kainan dahil nga sa gutom na gutom na ako sa daming tinapos na trabaho. Habang papasok ako biglang may isang lalaki akong nakasabay. Matangkad, malinis tingnan at mukhang pamilyar ang ayos ng katawan. 'Di nga ako nagkamali siya nga yun, ang taong minahal ko limang taon na ang nakalipas.


“Oh, long time no see, kumusta ka na?” bigla niyang natanong sakin ng makita niya rin ako.


“Okay naman! Eto public school teacher na at masaya!” sagot ko sa kanya.


“Kakain ka ba? Sabay na tayo” “Sige ba, tagal na rin na ‘di tayo nag-usap”


Pumili kami ng pagkain at naghanap ng pwesto na mapagpupuwestuhan. Habang hinihintay namin ang pagkain. Bigla niyang natanong ulit kung kamusta ako noong mga nakaraang taon. Sabi ko naman maayos naman halos lahat ng plano ko natupad at nangyari sa awa ng Diyos. S'ymepre, tinanong ko rin siya kung kumusta na.


“Eto, natupad rin ang pangarap at may asawa na. Ang bilis nga ng mga pangyayari ehh” sagot niya sa'kin. Matapos nito idinugtong niya ang salitang naalala mo pa…

Dito nagsimula kaming bumalik sa nakaraan. Tawa lang kami ng tawa at madalang niyang nababanggit ang kanyang asawa. Maya-maya'y iniabot na sa'min ang pagkain, hanggang sa naubos ito, ngunit ang pagbabalik namin sa nakaraan 'di pa natatapos.


Makalipas ang isang oras, nagpaalam na ako dahil baka maubusan ako ng sasakyan.


“Wala sayong susundo?”

“Ahh wala.”

“Sige ingat ka.”

“Ikaw rin naman."


Nakauwi na ako sa bahay at diretsong pumasok sa kwarto. Naupo sa sahig,

…may asawa na” paulit-ulit kong naririnig.




Dagli Blg. 9

Noon pa man alam kong wala talagang patutunguhan ang mga pagbabakasakali ko. Una, dahil kaibigan ang turing mo sa akin at malinaw ito sa ating dalawa. Pangalawa, may minamahal ka na.


“Sabi ko na sayo na mali yang nararamdaman mo”


“Ano ba mali doon, pinaparamdam niya sa'kin na mahalaga ako”


“Ay, bahala ka basta ako sinsabi ko mali yan,” pagtatalo ng puso at isip ko habang nakahiga ako.


Bakit kaya ganoon kung kailan nakapagdesisyon na akong itigil na, kung kailan magiging okay na ako saka siya bumalik. Sa pagkakataong ito, mas nagiging malapit kami lalo sa isa’t isa. Minsan tuloy napapatanong ako sa sarili ko kung alam ba niya na nagugustuhan ko siya kaya ganito na lang ang turing niya sa'kin o baka talagang natural na ang mga ganoong kilos dahil magkaibigan kami.

Ilang buwan na ang lumipas ganoon pa rin siya. Nagsimula na naman bumalik yung nararamdaman ko. Naguguluhan ulit ako. Nararamdaman kong ngayon, may pag-asa na, may patutunguhan.


Sa muli mong pagbabalik, akala ko magkakaroon ng tayo ngunit


tumatambay ka lang pala kaya masaya.




Dagli Blg. 10

Sabi sa isang kanta ng Ben&ben “all will be alright in time” hindi nga sila nagkamali.


Hindi na kakaiba ang kwento nating dalawa sa ibang kwentong pag-ibig ng karamihannagkakilala, nagligawan, at naging tayo, tumagal ng tatlong taon.

Sa tatlong taon na iyon bata pa ang ating mga isipan pero may mga pagkakataon ding para na tayong matatanda kung mag-isip. Naramdaman ko noon na para bang hindi ko kaya na mawala ka kaya ang mga hindi pagkakaintindihan, ang sakit na nararamdaman, ang mga mababaw at malalalim na awayan ay tiniis ko dahil nga mahalaga ka. Sa madaling salita nalunod ako sa pag-ibig na mayroon tayo. Kaya noong isang beses na sinabi mong kailangan mo muna ayusin ang bagay na pinagmumulan ng hindi natin pagkakaunawaan, naniwala ako noon na maaayos mo at tutuparin ang sinabi mong babalik ka.


Bumalik ka nga ngunit kasabay ng pagbabalik ay ang mga usap-usapang sa proseso ng pag-aayos mo’y may nakasama kang iba. Binalewala ko iyon; Oo, masakit ang pinagdaan nating dalawa at sa pagbabalik mo ngayon, naramdaman kong ako ang pinipili mo. Pinaramdam mo ulit na mahalaga ako, na ako ulit. Masaya ako dahil doon.


At sa muli mong pagkatok, nakangiti akong binuksan ang pinto.


“Mahiwaga talaga ang pag-ibig” bulong ko sa aking sarili."


Tinapik ko ang iyong balikat.


“Salamat," mahinahon kong sambit. At patalikod akong humahakbang papalayo.




Dagli Blg. 11

Bigla akong nagising nang may narinig akong dalawang lalaking kumakanta at napakaganda ng boses. Natural naman siguro na kapag nagising ka matutulala ka muna. Ngunit yung sa akin mukhang hindi na natural nagiging bahagi na ng araw-araw ang matulala.

Nararamdaman ko naman ang likidong dumadaloy sa aking pisngi. Umiiyak na naman ako. Nandito na naman ang kirot. Paulit-ulit kong iniisip ang pagkakataon nasayang para sa ating dalawa. Dapat ako yung may hawak ng kamay mo. Dapat ako ang kasama mo sa pag-abot ng iyong pangarap. Ako ang magpapatawa sayo. Ako dapat yun. Nakita ko na ang sarili ko sa posisyong iyon.


Muling lumabas ang malalaking likido sa mata ko. Taon na rin ang nakakalipas ngunit patuloy pa rin akong kumakapit sa alaala at pagkakataong iyon, kailan kaya ako bibitaw?


Isang katahimikan ang nagpanumbalik ng aking ulirat. Napangiti ako.

“Grabe!” sigaw ko.


Tapos na pala ang tugtug na gumising sa akin kanina. Bumangon ako at nagdasal.


Salamat Panginoon, dahil sa mga panahong iyon, pinili ko ang aking sarili".




Dagli Blg. 12

Sa isang madilim na silid doon ko natagpuan ang aking sarili. Marami akong katanungan na hindi ko mabigyan ng kasagutansapat ba ako? Saan ako nagkulang? At kung masasagot man ito sigurado akong sirado ang aking isipan upang pakinggan.


Malinaw pa sa akin ang lahat ng masasayang pangyayari na pinagsaluhan nating dalawa ngunit mas malinaw ngayon sa akin ang kirot na naiwan. Mas malinaw sa akin na hindi ako sapat, mas malinaw sa akin ako ang nagkulang.

Dapat pala noong una pa lang naniwala na ako. Noong una pa lang ginamot ko na ang sugat na alam kong mag-iiwan ng lamat ngunit hindi nagtiwala ako na magagamot ito ng pag-ibig ko.


Sa katahimikan ng gabi naririnig ko ang paghikbi ng puso ko at ang kasiyahan ng puso mo habang tayong dalawa ay magkasama— at ang isip mo ay nasa iba.




Dagli Blg. 13

“Salamat ahh palagi ka nandyan”

“May problema ako, pwede ka ba makausap”

“Ikaw pa kayang-kaya mo yan”


Ilan lamang ang mga iyan sa mga salitang nakukuha ko mula sa malalapit kong katrabaho at kaibigan.


Minsan akong naging takbuhan ng kanilang pag-aalinlangan. Minsan din sabi nila ang saya-saya raw ng pagkatao ko. Ang gaan-gaan daw ng pakiramdam ko. Natutuwa naman ako sa mga sinasabi nila. At nakasisiya rin na makatulong sa iba kahit sa simpleng paraan, ang makapagbigay ka ng pagmamahal sa kapwa.


Natutuhan ko na maging handa sa sa kung ano man ang dumating sa akin, hindi natin piho kung ano ang darating; lungkot, kasiyahan, kaba, o kung ano pa man. Ang mahalaga tatagan natin.


Ngunit hindi sa lahat ng pagkakataon totoo ang nakikita. Sa loob ng napakahabang panahon, tuwing malalim na ang gabi. Natagpuan ko ang aking sarili sa ganitong mga salita...


Ano man ang mangyari sa akin sa proseso na ito huwag mo akong bitawan, pulutin mo ako kapag pakiramdam ko basura na ang pagtingin ko sa sarili ko.




Dagli Blg. 14

Sa bawat araw na dumarating karaniwan ko nang naririnig ang mga pahayag na ito “Bakit wala ka pang kasintahan hanggang ngayon, sige ka tatanda kang mag-isa”. Palagi na lang ganyang mga linya ang naibabato sa akin sa tuwing ang usapan ay pag-ibig.


Isang araw habang papauwi ako, at sa pagkaaalala ko araw ng mga puso ang araw na iyon, marami akong nakitang may dalang bulaklak, ang ilan ay kasama ang kanilang kasintahan at heto nga ako mag-isang naglalakad.


Bigla akong napaisip, totoo bang masaya akong nag-iisa o baka sinasabi ko lang na masaya ako para hindi nila ako kaawaan. Ilang beses ko rin itong naitanong sa aking sarili at minsan pa nga’y hinihiling ko na sana meron ding akong kasintahan. May mga pagkakataon ding itinatanong ko kung ano ba kulang sa akin? Bakit yung iba ang dali lang nila makahanap ng taong mamahalin samantala ako nahihirapan? At higit sa lahat kamahal-mahal ba ako, kasi kung Oo, bakit wala pa rin yung taong para sa akin? Hindi ko alam kung papano bibigyan ng kasagutan ang mga tanong na iyon.

Namalayan ko na lamang malapit na ako sa paradahan ng jeep na sasakyan ko. Naupo ako at kinuha ko ang aking cellphone. Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nabuksan ko ang Bible App at dahil nabuksan ko na rin naman tinignan ko ang daily verse


Ephesians 3:19.


Napatitig na lamang ako sa screen ng aking cellphone.





Natapos na ang iyong pagbabasa, sana'y nagustuhan mo ang mga dagli na bunga ng imahinasyon at karanasan. Alam mo na ang nagiging bunga kapag nasaktan si Sisa. Biro lamang, ngunit laking pasasalamat ko sa mga karanasang ito dahil kung wala ang mga iyon mahihirapan akong bumuo ng kwento.

Ngunit bago tayo magpaalam sa isa't isa, nais kong ipaalala sa iyong, walang sinoman ang may karapatang diktahan ka, kung kailangan mo nang magmamahal, marapat na sundin mo ang gusto mo para sa iyong sarili. <3





—Sisaaaaaa







 
 
 

1 Comment


antonettedeocareza09
Sep 10, 2023

Nabitin ako quessa😂❤️

Like

Subscribe Form

Hanggang sa muli!

  • Facebook
  • Instagram
  • Youtube

©2021 by Mga agam-agam ni Sisa. Proudly created with Wix.com

bottom of page