—sa mapanghamong mundo
- Quessa
- Feb 26, 2023
- 2 min read

Sa mundong ginagalawan ng tao karaniwan na ang kalungkutan, paghahambingan, pagsisihan, paninira, 'di pagkakaunawaan at maraming pang bagay na mapanakit. Ang mga bagay na ito ay s'yang nagiging ugat nang pagbigat ng nararamdaman at buhay ng tao. Isang bagay na sumusubok sa tao para mabuhay sa mundong ito.
Kung ang mga ito'y pangkaraniwang bagay na lamang siguradong mahihirapan ang tao na makipagsabayan at makipaglaban sa hamong dala nito. At, baka nga ang ilan ay agad na tumalikod o maaaring ang ilan nama'y mabalot sa takot.
Ngunit sa kabila ng lahat, ito ay may kabutihang dala, natututo ang tao.
Sapagkat kung susuko at mababalot lamang sa takot ang tao, sa unang hakbang pa lamang siguradong talo. Subalit alam nating hindi ganoon ang tao. Natututong maghanap ang tao ng kanyang magiging kakampi— ng kanyang pahinga, ng lugar na kung saan siya'y ligtas. Gumagawa rin ang tao ng paraan upang matutuhan kung paano lumaban at magpatuloy.

At para malaman mo, kung bakit ako nagsusulat ng mga ganitong bagay, kung bakit nahumaling akong magsulat at kumatha ng mga babasahin, dahil sa mga salitang nasa aking isipan, nahanap ko rito ang katahimikan at kasiyahan— ang aking kakampi.
Sa mundo ng aking mga sulatin pinipili kong walang gulo, panghuhusga, pagkukumpara at iba pang bagay na alam kong magiging mabigat kung papasanin.
Sa pagsusulat, napipili ko ang mga bagay na alam kong magpapagaan ng aking pakiramdam na iaahon at isasalba ako sa pananakit at kalungkutan.

May iba't ibang uri man ng kakamping natagpuan o matatagpuan ang tao, ang mahalaga'y may matatakbuhan siya kung labis na ang hirap at ingay ng mundo.
May kanya-kanya mang paraan ang tao sa pagharap sa mga umuusbong na suliranin sa mundo, pare-pareho pa rin ang hiling, katahimikan at kasiyahan.
Oo, maraming mabalasaw na bagay ang mundo ngunit may katumbas ding kariktan ang mga ito, kailangan mo lamang hanapin at hangarin.
At ngayon...
Sa pagtatapos mo sa pagbabasang ito, nais ko lamang itanong sayo;
Sino ang iyong kakampi sa mapanghamon nating mundo?
—Sisaaaaaa
Comentários